Sa 14-pahinang resolution na ipinalabas ng DoJ sa pamumuno ni State Prosecutor Perfecto Lawrence Chua-Cheng, sinabi nito na mayroong matibay na basehan at ebidensiya upang isulong ang nasabing kaso laban kay Goma.
Ipinaliwanag sa resolution na nabigo si Gomez na maisumite ang kanyang income tax return sa loob ng taong 2000-2003.
Si Gomez ay nahaharap sa parusang 1-10 taong pagkakulong at may multang P10,000-P20,000.
Magugunita na si Goma ay sinampahan ng nabanggit na kaso dahil sa binayaran lamang nito ay ang documentary stamp na nagkakahalaga ng P786,975 noong Nobyembre 6, 2003 matapos na makakuha ito ng property na nagkakahalaga ng P52 milyon sa Forbes Park sa Makati City.
Bagkus ay idineklara ni Goma na wala siyang kinita sa taong 2000, 2001 at 2003, subalit ito ay hindi pinaniwalaan ng BIR at ng DoJ dahil sa mayroong mga ginawang pelikula ang aktor bukod pa ang program nito sa telebisyon.
Samantala, sinabi naman ni Chief State Prosecutor Jovencito Zuno na dinesisyunan nila ang kaso laban kay Goma batay sa merito ng kaso nito at hindi dahil sa politika o ano pa man. (Grace Amargo dela Cruz)