Sumaksak ng 61 ulit sa paslit, arestado

Bumagsak na sa kamay ng mga awtoridad ang 40-anyos na tricycle driver na sumaksak ng 61 ulit at humiwa sa dila ng isang 4-anyos na batang babae ilang linggo na ang nakakalipas sa Navotas.

Halos maging gulay ang katawan ng suspect na si Rey Paner makaraang bugbugin ng galit na galit na taumbayan dahil sa ginawa nito sa paslit na si Patricia Ann Kate Dizon ng 519-F Monroy St., Brgy. Navotas West.

Sa ulat, dakong ala-1 kahapon ng madaling- araw nang maaresto ang suspect sa loob ng kanyang bahay.

Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na umuwi na ang suspect sa kanilang bahay matapos ang ilang linggong pagtatago sa Iloilo.

Hindi na nakapalag pa ang suspect nang arestuhin pero sinalakay siya ng galit na galit na taumbayan at pagbubugbugin.

Matatandaan na dakong alas-12:30 ng madaling-araw noong nakalipas na Setyembre 7 nang pagsasaksakin ni Paner ang buong katawan ng paslit, bukod pa sa hiniwa rin nito ang dila ng biktima at saka inilagay sa ilalim ng isang jeep.

Napag-alaman naman sa ilang kapitbahay ni Paner na matagal na nilang inirereklamo ang suspect na nawawala sa sarili sa tuwing ito ay nakakainom ng alak o kargado ng ipinagbabawal na gamot. (Rose Tamayo)

Show comments