Kinilala ni NCRPO chief Director Vidal Querol ang mga nasakoteng pulis na sina PO1 Roel Palana, PO1 Roger Villarente at PO1 Candido Vallejo, pawang nakatalaga sa Eastern Police District Mobile Force. Sina Palana at Villarente ay nasakote sa kanilang tanggapan sa Pasig City kamakalawa ng gabi, habang si Vallejo ay sa Brgy. Manggahan dakong alas-6 ng umaga kahapon.
Ang mga ito, kasama ang pinaghahanap na si PO2 Joel Tapec ay sinampahan ng kasong robbery with homicide at frustrated homicide sa sala ng Cainta Municipal Trial Court sa lalawigan ng Rizal.
Sinabi ni Querol na si Tapec ay naunang naaresto sa hiwalay na kasong robbery/holdup sa harapan ng Candy Maker Corporation sa Brgy. Kapitolyo sa Pasig City noong Agosto 26, 2005 subalit nakalaya matapos na magpiyansa.
Nabatid na ang mga suspect na tinaguriang Dose Pares na ang aktibidades ay mangholdap ng mga biktima galing sa pagwi-withdraw ng malaking halaga sa bangko. Nakasakay ang mga ito sa motorsiklo.
Noong Hunyo 15, 2005 ay nasangkot ang mga suspect sa P300,000 na panghoholdap sa Hapon na si Kenshi Takahashi sa Sheridan St., Brgy. Kapitolyo sa Pasig City na ikinamatay ng driver nitong si Antonio Roxas. Agosto 15 naman nang holdapin at pagbabarilin ng mga ito ang mag-asawang Tsinoy na ikinamatay ng lalaking biktima na si Edward Young at driver nitong si Glen Magbanua sa Concepcion Uno, Marikina City.
Agosto 26, 2005 naman nang holdapin ng mga suspect ang vice-president ng Candy Maker na si Fernando Sia habang papasok ito sa nasabing pabrika sa Brgy. Kapitolyo na ikinasugat ng biktima habang natangay naman ang P300,000 payroll money na dala nito.
Pinakahuling insidente ng pananambang ay sa mag-asawang negosyante sa Brgy. San Isidro sa Cainta na ikinamatay ng 1-anyos na sanggol na si Erica Charlene Guevarra nang mabaril ito sa ulo habang kalong ng kanyang ina. (Edwin Balasa at Joy Cantos)