Ang naturang kilos-protesta ay pinangunahan ng mga militanteng grupo at oposisyon, kung saan sinarado ang ilang mga daan sa malaking bahagi ng area sa Makati na nagresulta sa matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko.
Sa naturang mass action ng mga anti-PGMA, naparalisa ang operasyon ng ilang pribadong tanggapan.
Ang mas higit na apektado ay ang mga empleyadong nagtatrabaho sa mga gusaling malapit sa panulukan ng Paseo de Roxas at Ayala Avenue.
Samantala, sa Maynila, bigo naman ang plano ng ibat ibang militanteng grupo na pasukin ang lungsod dahil sa sobrang higpit ng ginawang pagbabantay ng daan-daang pulis, partikular na sa bisinidad ng Palasyo ng Malacañang.
Nabatid na mistulang nilangaw ang daan-daang pulis na miyembro ng Civil Disturbance Management Group at mga support group buhat sa PNP-Region 3 at National Capital Region Police Office (NCRPO) matapos na walang sumipot na mga raliyista.
Bukod sa naturang mga pulis, nagpadala pa ang NCRPO ng dalawang B-150 tanks na nakaistasyon sa Manila Police District headquarters na panlaban umano sa anumang uri ng terorismo.
Nakasentro ang ginawang pagbabantay ng mga pulis sa Mendiola bridge na isinara sa trapiko, binakuran ng mga barbed wires at pinaradahan ng mga sasakyan upang hindi mapagdausan ng mga programa ng mga raliyista.
Mahigpit ding binantayan ang España Avenue buhat sa Mabuhay Rotunda upang maiwasan na makapagmartsa ang mga raliyista papasok ng Maynila. (Lordeth Bonilla at Danilo Garcia)