Mag-asawang trader nilooban saka pinatay

Hinihinalang pinatay muna bago pinagnakawan ang mag-asawang negosyante na natagpuang nakahandusay sa loob ng kanilang opisina sa Pasay City, kahapon ng umaga.

Sa ulat ng Pasay City Police, nakilala ang mag-asawang biktima na sina Renato Zunico, 71 at misis nitong si Luz Valentina Reyes, 54, ng 8 Manga Lane St., Liberty Homes, Brgy. Alabang, Muntinlupa City. Napag-alaman na lipat-bahay ang negosyo ng mag-asawa na may tanggapan sa 1835 Taft Avenue, Zone 3, Brgy. 36, Pasay City.

Ayon sa ulat, basag ang bungo ng mga biktima at isa sa teorya ng pulisya ay hinataw ito ng matigas na bagay.

Posible rin umanong may tatlong araw nang patay ang mag-asawa dahil ang mabahong amoy nito ang nagtulak para matuklasan ang kanilang mga bangkay.

Binanggit pa sa report na umaalingasaw na mabahong amoy buhat sa tanggapan ng mag-asawa ang inireklamo ng mga residente sa barangay at nang pasukin kahapon dakong alas-8 ng umaga ang opisina ay doon nga natuklasan na patay na ang mag-asawa.

Ayon pa sa pulisya, nagkalat ang mga kagamitan, ilang pera at mga papeles ng mag-asawa sa loob ng tanggapan patunay na naghalughog nang husto ang mga suspect.

Pagnanakaw ang pangunahing anggulong iniimbestigahan ng pulisya.

Patuloy naman ang isinasagawang follow-up operation ng mga awtoridad laban sa mga suspect.

Show comments