Lolo sinaksak ng nagselos na lolo

Dahil sa selos, isang 67-anyos na lolo ang sinaksak ng isa ring lolo matapos nitong sulutin ang dating ka-live-in ng huli na isa namang lola kamakalawa sa Pasay City.

Nasa kritikal na kondisyon sa Pasay City General Hospital ang biktimang si Aureo Josue, ng E. Cuenca St. ng nabanggit na lungsod sanhi ng tinamong saksak sa bandang ibaba ng puso nito.

Nadakip naman ng pulisya ang suspect na si Benjamin Ernie, 74, ng Facundo St., Pasay City. Nahaharap ito sa kasong frustrated homicide.

Sa imbestigasyon ni SPO3 John Baligat ng CID ng Pasay City Police napag-alaman na kasalukuyang kinakasama ng biktima ang lolang si Sherly Marco, 50, na dati namang lover ng suspect.

Posibleng matinding selos ng suspect ang nagbunsod upang saksakin nito ang biktima.

Naganap ang insidente dakong alas-4 ng hapon sa isang parking lot sa Pasay City Hall sa may Harrison St. ng magkita doon ang biktima at suspect.

Nabatid na kinompronta muna ni Ernie ang biktimang si Josue tungkol sa panunulot nito sa dati niyang kinakasama. Nagkaroon ng mainitang pagtatalo hanggang sa bumunot ng patalim ang suspect at inundayan ng saksak ang biktima. (Lordeth Bonilla)

Show comments