Paslit hiniwa ang dila at 61 ulit sinaksak ng adik

Nasa kritikal na kondisyon ang isang 4-anyos na paslit makaraang mapagtripang hiwain ng tatlong ulit ang dila nito na halos ikaputol at saksakin ng 61 na ulit sa iba’t ibang parte ng katawan ng isang adik, kahapon ng madaling-araw sa Navotas.

Kasalukuyang inoobserbahan sa Tondo Medical Center ang paslit na si Patricia Dizon ng 519-F Monroy St., Brgy. Navotas West, ng nasabing bayan.

Batay sa nakalap na impormasyon mula sa Station Investigation Bureau ng Navotas Police, dakong alas-12:15 kahapon ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Santilla St. ilang metro lamang ang layo mula sa bahay ng biktima.

Sa panayam kay Lyn Dizon, 33, ina ng biktima, na mahimbing siyang natutulog nang mangyari ang insidente at hindi nito namalayan na lumabas ang kanyang anak sa kanilang bahay dahil may ugali umano itong hindi makatulog sa gabi.

Lumalabas sa imbestigasyon na naglakad-lakad ang bata hanggang sa makarating ito sa pinangyarihan ng insidente at dito nakita ang biktima ng suspect na noon ay nakatambay sa gilid ng kalsada.

Ayon sa nakalap na ulat, tinawag ng suspect ang paslit at saka inalok ng P5 at nang tumanggi ang paslit ay agad na hinila ng una ang huli sa madilim na lugar at dito walang humpay na pinagsasaksak ng cutter ng 61 beses sa katawan.

Bukod dito, tatlong ulit ding hiniwa ng suspect ang dila ng bata na posibleng ginawa para hindi makapagsalita ang biktima.

Nang duguang humandusay ang paslit at sa pag-aakala ng suspect na patay na ito ay kinaladkad patungo sa ilalim ng nakaparadang owner-type jeep upang itago ang ginawang krimen subalit lingid sa kaalaman nito ay may isang kapitbahay na nakasaksi sa insidente na agad na humingi ng tulong sa mga residente.

Nang mamalayan ng suspect ang paparating na taumbayan ay mabilis na itong tumakas.

Isang malawakang operasyon ang isinasagawa ng pulisya laban sa suspect na nasa pagitan ng edad na 30-35, balingkinitan ang katawan at may taas na 5’3 hanggang 5’5 talampakan. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments