Ang mga suspect na iprinisinta kahapon sa mga mamahayag ay nakilalang sina PO2 Jeffrey de Guzman, nakatalaga sa District Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Force (DAID-SOTF) at kasamahan nitong si Aurelio Pabo, tricycle driver.
Nabatid na sangkot ang dalawa sa grupong dumukot kay Johnny Chua noong nakalipas na Agosto 6. Pinalaya rin ito ng mga suspect matapos na makapagbayad ang pamilya nito ng P50,000 ransom.
Base sa imbestigasyon, hinarang ng mga suspect sakay ng isang Delica van ang Mitsubishi L-300 van na may plakang WHN-183 na sinasakyan ng biktima sa may Jose Abad Santos Avenue, Tondo.
Isinakay umano ang biktima sa loob ng van ng mga suspect at doon tinaniman ng droga ang Tsinoy at saka dinala sa isang safehouse.
Agad na tinawagan ni De Guzman ang pamilya ni Chua at humihingi ng ransom na P100,000 ngunit naibaba sa halagang P50,000.
Sa isang food chain sa Banaue St., sa Quezon City isinagawa ang pay-off kung saan personal na tinanggap ng dalawang suspect ang pera bago pinalaya si Chua sa Manila North cemetery.
Matapos mapalaya nagsumbong ang pamilya Chua sa Manila Police District-Station 2 na nagsagawa ng follow up operation sa Sta. Mesa Heights sa Quezon City na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawa sa loob ng kanilang safehouse.
Nahaharap sa kasong kidnapping at carnapping ang dalawang nadakip makaraang mapatunayan na ninakaw lamang nila ang sasakyang kanilang ginamit sa operasyon. (Ulat nina Danilo Garcia at Gemma Amargo-Garcia)