Bading kinatay ng pinik-ap na 16-anyos

Isang 50-anyos na bading na namik-ap ng isang binatilyo ang sinaksak at napatay ng huli makaraang umano’y hindi magkasundo sa pagtatalik, kahapon ng umaga sa Sta. Cruz, Maynila.

Siyam na saksak sa katawan ang tinamo ng biktimang nakilalang si Victorino Tagle, piano instructor at residente ng 1675 San Lazaro St., Sta. Cruz.

Agad namang naaresto matapos na gulpihin ng taumbayan ang 16-anyos na suspect na itinago sa pangalang Ray, residente rin ng Oroquieta St., Sta. Cruz.

Sa ulat ng MPD-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng umaga sa loob ng kuwarto ng biktima.

Sa imbestigasyon, nabatid na nakipagkasundo umano ang suspect sa biktima na mababayaran ito sa halagang P130. Ngunit nang nasa loob na ng kuwarto, humiling umano ang biktima sa binatilyo ng ibang serbisyo ng pakikipagtalik na ikinagalit ng huli.

Nagtangka umano na lumabas ang binatilyo ngunit pinigilan ito ni Tagle. Dito na naglabas ng patalim ang suspect at sunud-sunod na pinagsasaksak ang biktima.

Nakatawag naman ng pansin sa mga kapitbahay ang kalabugan sa kuwarto ng biktima kung kaya naalarma ang mga ito at saka sinalubong ang papatakas na suspect at saka ginulpi.

Show comments