Ayon kay QCPD-CID chief, Sr. Supt. Popoy Lipana, isang kuwintas ang nakita sa crime scene na posibleng pagmamay-ari ng isa sa mga suspect. Hindi umano pamilyar sa mga kaibigan at katrabaho ang nasabing kuwintas.
Batay sa pahayag ng ilang saksi, dalawang lalaki ang kanilang napansin na nagtungo sa bahay ng biktima noong Martes ng gabi.
Nakarinig sila ng tahol ng mga aso at kalabog subalit hindi umano nila ito pinansin sa paniniwalang nagkakasayahan lamang ang mga ito.
Nakatitiyak naman ang pulisya na kilala ng biktima ang suspect dahil walang anumang bakas ng forcible entry sa inuupahang bahay nito.
Nawawala ang dalawang cellphone ng biktima at pera na pinaniniwalaang tinangay ng mga suspect.
Ayon naman sa QC Crime Lab, nakuhanan din ng fingerprints ang biktima sa kabila ng nabubulok nang katawan nito.
Posible rin umanong malaki ang galit ng mga suspect sa biktima dahil sa tinamo nitong 11 saksak sa ibat ibang bahagi ng katawan. (Doris Franche)