Death toll sa dengue, tumataas

Patuloy na tumataas ang bilang ng nasasawi sa sakit na dengue kung saan dalawa ang naitala sa Malabon City at isa pa sa Quezon City.

Sa panayam kay Dra. Lourdes Abquilan, health officer ng Malabon City dalawang paslit na may edad na 5 at 7 ang nasawi dahil sa dengue.

Ang mga nasawi ay nagmula sa mga lugar ng Macopa St., Potrero at sa Block 14, Brgy. Longos ng nabanggit na lungsod.

Kaugnay nito, inalarma na ng lokal na pamahalaan ang mga residente sa Malabon upang maagapan pa ang posibleng pagkakaroon ng dengue outbreak sa lungsod.

Sa kasalukuyan umaabot na sa 40 ang naitalang naging biktima ng dengue sa lungsod.

Samantala sa Quezon City, nasawi rin sa dengue si Mark Lampaya, 11, grade 5 pupil sa Bagong Pag-asa Elementary School.

Nabatid na isinugod ang biktima noong Agosto 17 sa Quezon City General Hospital subalit agad din itong pinalabas dahil lamang umano sa lagnat. Hindi akalain ng inang si Violeta na nagkaroon ng komplikasyon ang dugo hanggang sa magkaroon na ito ng mga pantal.

Sinugod ito sa Philippine General Hospital hanggang sa magsuka ng dugo ang biktima at matapos ang isang linggo ay namatay din ito. (Ulat nina Rose Tamayo at Doris Franche)

Show comments