5 most wanted at 6 pa, arestado sa Caloocan

Nagtapos ang mahabang panahon na pagtatago sa batas ng lima katao na napapabilang sa listahan ng most wanted criminals ng pulisya, makaraang salakayin ng Northern Police District operatives ang sinasabing "pugad" ng mga kriminal, kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.

Bukod pa sa limang most wanted persons na hindi pa inilalabas ng pulisya ang mga pangalan ay anim pa katao na sangkot sa iba’t ibang kaso ang naaresto nang salakayin ng operatiba tangan ang mga warrant of arrest laban sa mga ito ang isang lugar sa Brgy. Bagong Silang, nabanggit na lungsod, dakong alas-5 ng madaling-araw.

Nabatid kay NPDO director P/CSupt. Raul Gonzales na hindi umano nila tatantanan ang iba pang mga suspect na target ng kanilang operasyon ngayon sa nasabing barangay.

Ayon pa kay Gonzales na ang mga naaresto ay bahagi lamang ng may 57 criminals na nagtatago sa nabanggit na barangay na pawang may mga standing warrant of arrest na inisyu ng korte.

Kinuhanan din ng mga awtoridad ng fingerprints ang mga residente na may mga tattoo sa katawan upang alamin kung may mga kasong kinasasangkutan ang mga ito.

Ayon naman kay Caloocan City Police chief Leo Dillo Garra na ang naarestong limang most wanted ay sangkot sa iba’t ibang murder cases at ang anim naman ay sangkot sa rape, robbery at homicide. (Ulat ni Rose L. Tamayo)

Show comments