Halos hindi na makilala pa sa labis na pagkakalitson ang biktima na si Biernes Peralta, 57-anyos at residente ng Waling-Waling St., Sitio San Roque, Brgy. Tala, nasabing lungsod.
Arestado naman ang suspect na si Enrico Baltazar, 32-anyos at kapitbahay ng biktima.
Sa isinagawang paunang pagsisiyasat ni PO2 Nelson Bagting, dakong alas-8 ng umaga nang maganap ang insidente sa loob ng tindahan ng biktima sa bahay nito.
Nabatid na nag-iisa ang biktima sa loob ng kanyang tindahan nang pasukin ito ng suspect at agad na pinagsasaksak ng sunod-sunod sa mukha.
Matapos na ataduhin ng saksak ay agad na binuhusan ng suspect ang biktima ng kerosene at sinindihan bago ito tuluyang tumakas at umanoy tangan ang hindi mabatid na halaga ng pera na nakulimbat nito mula sa tindahan ng biktima.
Ilang kapitbahay naman ng biktima ang nakapansin sa apoy at agad na nagtulung-tulong ang mga ito para sugpuin ang posibleng paglaganap pa ng sunog.
Nang tuluyan ng naapula ang apoy ay nakita ng mga residente ang sunog na bangkay ng biktima kung kayat agad na itinawag ng mga ito sa pulisya ang nadiskubre upang ipabatid ang pangyayari.
Ilang mga kabataan naman ng nasabing lugar ang nakapagsabi sa pulisya na nakita nila ang suspect na nagtungo sa isang sapa at itinapon ang duguang damit nito.
Dahil dito, agad na nagsagawa ng operasyon ang pulisya at inaresto ang suspect na nadatnan sa loob ng pamamahay nito sa nabanggit na lugar.
Sinasabing labis na nagalit ang suspect sa biktima nang hindi na ito pautangin ng una dahilan sa mahaba na umano ang listahan ng utang ng suspect na hindi naman nito binabayaran. (Ulat ni Rose L. Tamayo)