Nursing student sugatan sa snatcher

Isang nursing student ang ginagamot ngayon matapos na manlaban sa dalawang holdaper na nang-agaw ng kanyang cellphone kamakalawa ng gabi sa Taguig City.

Inoobserbahan ngayon sa Ospital ng Makati ang biktimang si Lester Cabanez, 21, estudyante ng Fatima College at residente ng No. 26 C-3rd Ave., HHSC Zone 1-C Brgy., Signal Village na nagtamo ng dalawang saksak sa katawan.

Mabilis namang nakatakas ang dalawang hindi pa nakikilalang suspect tangay ang 3230 cellphone ng biktima.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-8 ng gabi sa service road ng C5 Road, Pinagsama Village, Taguig City.

Nag-aabang ng sasakyan ang biktima kasama ang kaibigang si Gerald Laurence Zordilla nang unang agawin ng mga suspect ang cellphone nito at sumunod ay cellphone ni Cabanez.

Dito nanlaban si Cabanez dahilan naman upang undayan siya ng saksak ng mga suspect. (Lordeth Bonilla)

Show comments