Depektibong GMA card ibinalik sa MRT

Dahil sa kakulangan ng electronic card ay muling ibinalik ng pamunuan ng Metro Rail Transit (MRT) ang may 50,000 depektibong Gloria Macapagal Arroyo card matapos na ma-delay ang ipinagawang mga electronic card sa ibang bansa.

Ayon kay MRT General Manager Roberto Lastimoso, ibinalik umano nila ang mga nasabing GMA card at tinanggal nila ang mga coupon na nauna nilang ibinibigay sa mga single journey trip dahil sobrang kapos na sila sa dami ng mga pasaherong sumasakay sa nasabing tren.

Napag-alaman pa kay Lastimoso na sa Setyembre pa umano darating buhat sa Japan ang ipinagawang mga bagong e-card matapos na ma-delay ito ng isang buwan.

Dagdag pa ni Lastimoso na upang mapakinabangan ay ginupit nila ang mga e-card at tinanggal ang mukha rito.

Subalit ang ipinagtataka ng mga pasahero ay kung bakit pa kailangang gupitin ang parteng mukha ng nasabing card gayung litrato naman ni GMA ang nakalagay dito.

Ayon naman sa ilang pasahero na posibleng ang mga ginupit na e-card ay yung mga lumang card na may litrato ni dating Pangulong Joseph Estrada at hindi iyong depektibong card ni GMA. (Edwin Balasa)

Show comments