Sa nakalap na impormasyon, nabatid na naganap ang insidente dakong alas-4 ng madaling-araw sa may 930 Oroquieta St., Sta Cruz, Maynila.
Hindi na naman nag-abala pa ang hindi kilalang magulang na iulat sa pulisya ang pangyayaring pagkamatay ng biktimang si Baby Sophia dahil sa aksidente umano ang nangyari.
Sinabi ng isang kapitbahay ng mga magulang na tumawag sa WPD Press Corps, sinabi ng mga magulang ni Baby Sophia na nasa edad na 16 at 16-anyos na dinalaw umano sila ng isang kaibigan. Nagkataon naman umano na brown-out sa kanilang lugar kaya natapakan ang sanggol na natutulog sa sahig.
Hindi naman umano umimik o umiyak ang sanggol kaya inakala nila na tulog lamang ito. Natuklasan lamang nila na patay na ang sanggol nang magkaroon ng kuryente nang magmamadaling-araw.
Nabatid na isinilang si Baby Sophia sa Jose Fabella Hospital noong Hulyo 10 kung saan eksakto 25 araw pa lamang ito mula nang isilang.
Nanawagan naman ang nagmamalasakit na mga kapitbahay sa pamahalaang lungsod ng Maynila at sa pulisya na imbestigahan ang pangyayari upang magkaroon ng katarungan ang pagkamatay ng walang muwang na sanggol.
Duda umano sila na posibleng nagkaroon ng pot session sa bahay ng mga magulang nito nang maganap ang insidente o kaya naman ay mismong ang mga magulang ng sanggol ang nakatapak dito. (Ulat ni Danilo Garcia)