2 miyembro ng 'Palakpak Boys' timbog

Dalawang kalalakihan na miyembro ng notoryus na "Palakpak Boys" ang naaresto ng pulisya makaraang manghablot ng mamahaling relo sa isang overseas Filipino worker, kamakalawa ng hapon sa Mandaluyong City.

Ang mga suspect ay nakilalang sina Ronaldo Borjal, 35, ng Elliptical Road, Quezon City; at Lope Abude, 29, vendor ng Calbayog St., Brgy. Highwayhills, Mandaluyong City. Ang mga ito ay kakasuhan ng robbery-snatching matapos biktimahin ang OFW na si Elenita Buluran, 45, residente ng Hagonoy, Bulacan.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-4 ng hapon sa harapan ng SM Megamall ng nasabing lungsod nang bumaba sa pampasaherong bus ang biktima at salubungin ito ng isa sa mga suspect sabay pumalakpak.

Ilang saglit lang ay dumating ang kasama nito at kaagad hinablot ang relong Rolex ng biktima na nagkakahalaga ng P50,000 at mabilis na tumakbo.

Nakahingi naman kaagad ng tulong ang biktima sa mga kagawad ng pulisya na nagbabantay sa nasabing mall at hinabol ang mga suspect na kanilang nahuli matapos ang ilang minutong habulan ay nabawi rin ang relo ng biktima. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments