Sa kasong kidnapping: Roldan, 5 pa naghain ng not guilty

Nagsumite kahapon ng not guilty plea sa korte ang aktor at dating Quezon City congressman Dennis Roldan kasama ang limang iba pa sa arraignment ng hinaharap nitong kasong kidnapping-for-ransom sa Pasig Regional Trial Court (RTC).

Si Roldan na nakasuot ng unipormeng pampreso ay dumating dakong alas-8:30 ng umaga kasama ang kanyang abogadong si Atty. Siegfreid Fortun sa sala ni Judge Agnes Carpio ng Pasig RTC Branch 261.

Kasama rin ni Roldan sa kaso sina Octavio Pacis, Noel San Andres, Rowena San Andres, Romeo Orcejada at Adrian Domingo.

Samantala, hindi naman nasama sa nasabing pagsisimula ng kaso ang umano’y girlfriend ni Roldan na si Suzette Wang na itinuturong siyang nagplano sa pagdukot sa 3-anyos na batang Tsinoy na si Kenchi Yu dahil sa kasalukuyan ay dinidinig pa rin ang hiwalay na kaso nito sa Department of Justice.

Matatandaang dinukot si Yu ng mga armadong kalalakihan habang papasok ito sa eskuwelahan sa Ortigas Center sa Pasig City hindi kalayuan sa kanilang bahay noong unang linggo ng Pebrero ng taong kasalukuyan.

Nailigtas ito noong Pebrero 20 nang lusubin ng Police Anti-Crime and Emergency Response ang hideout ng grupo sa Cubao, Quezon City na ikinaaresto ng limang kalalakihan habang naaresto naman si Roldan sa kanyang bahay sa nasabi ring lungsod sa isinagawang follow-up operation. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments