3-anyos binoga ni tatay, patay

Nasawi ang isang 3-anyos na batang babae matapos itong pagbabarilin ng sariling ama na nagtangka ring magpakamatay, habang ang huli ay bangag na bangag sa droga, kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Namatay noon din sanhi ng anim na tama ng bala ng kalibre .22 sa katawan at ulo ang batang si Arissa Miranda ng 13-F Miranda St., Brgy. Paso de Blas ng nasabing lungsod.

Ginagamot naman sa Valenzuela City General Hospital sanhi ng dalawang tama ng bala ng baril sa sentido ang ama ng biktima na si Geronimo Miranda, 32.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-9 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng pamilya Miranda.

Sa pahayag ng ilang kapitbahay ng mag-ama, bago ang insidente ay napansin nila ang suspect na naglalakad pauwi sa kanilang bahay na nanlilisik ang mga mata at hinihinalang naka-droga.

Nang makapasok sa bahay ang suspect, ilang sandali pa ay umalingawngaw na ang sunud-sunod na putok ng baril sa loob ng kanilang bahay.

Agad namang tinungo ng ilang kapitbahay ang bahay ng mag-ama kung saan nakita nilang nakahandusay at wala nang buhay ang bata, habang nasa kama rin ang ama nito na may tama rin sa sentido.

Naisugod pa ang amang suspect sa pagamutan kung saan nasa kritikal itong kondisyon.

Nabatid na may isang 7-anyos pang kapatid ang batang nasawi na dala ng kanyang ina nang maganap ang trahedya.

Binanggit pa ng mga kapitbahay na matagal na umanong gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang biktima at kung anu-ano ang ginagawa sa tuwing lango ito sa droga.

Hindi naman nakuha ng pulisya ang baril na ginamit ng suspect. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments