Sumuko kay Supt. Moises Guevarra, hepe ng Malabon City Police ang suspect na si Francisco Cal, ng Sitio 6, Brgy. Catmon ng nabanggit na lungsod.
Si Cal ang sinasabing responsable sa pagkamatay ng amo nitong si Dionisio Aranjuez, 38, na nagtamo ng isang tama ng kalibre .45 baril sa kanang bahagi ng katawan.
Sa rekord ng pulisya, dakong alas-12:30 ng madaling-araw noong Hulyo 12, 2005 nang maganap ang insidente sa tindahan ng biktima.
Nabatid na nakiusap ang biktima sa suspect na tulungan siyang magbantay ng tindahan nito dahil sa palagi umanong ninanakawan ng mga kawatan na kapitbahay. Pinaunlakan naman ni Cal ang pakiusap ng amo.
Nang magsara ng tindahan ang dalawa ay ipinahiram ng biktima kay Cal ang kalibre .45 baril at inutusang barilin kung sinuman ang makikitang papasok sa loob ng tindahan hanggang sa magpaalam ang nasawi na aalis lang sandali.
Nakatulog ang suspect habang hawak ang baril at nang muling bumalik si Aranjuez ay agad na binuksan ng huli ang pinto ng tindahan. Naalimpungatan si Cal nang marinig ang ingay kaya agad itong nagpaputok ng baril.
Huli na nang makita niyang ang kanyang amo ang kanyang nabaril. Dahil sa pagkalito ay tumakas na lamang ito.
Hindi naman umano siya pinatahimik ng kanyang konsensiya at palagi pang nagpapakita sa kanya ang multo ng kanyang amo kaya napilitan na siyang sumuko. (Ulat ni Rose Tamayo)