Sadistang ama utas sa anak

Nagawang barilin at mapatay ng isang 15-anyos na binatilyo ang kanyang sariling ama dahil sa hindi na nito makayanan ang ginagawang pagmamalupit sa kanyang ina, kahapon ng madaling-araw sa Las Piñas City.

Mabilis na tumakas ang suspect na nakilalang si Dominador Espina, ng Hernandez Compound, Brgy. Almanza Uno ng nabanggit na lungsod.

Nasawi naman noon din ang kanyang ama na si Domingo Espina, 47, driver, na nagtamo ng ilang tama ng bala ng baril sa katawan.

Sa imbestigasyon ni PO3 Joel Cambi ng CID ng Las Piñas Police naganap ang insidente dakong ala-1 ng madaling-araw sa loob mismo ng bahay ng pamilya Espina.

Napag-alaman na madalas na ginugulpi ng nasawi ang kanyang misis na si Nena dahil sa selos.

Kahapon ay muling nakatikim ng bugbog si Nena sa asawa na nakita ng kanilang anak na si Dominador. Hindi na nito nakayanan ang pagmamalupit ng ama kung kaya kinuha ang nakatagong baril at saka pinaputukan ang ama na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Dahil sa matinding takot, mabilis na tumakas ang suspect na binatilyo. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments