Compromise agreement alok ng BIR sa mga artistang kinasuhan

Posibleng maabsuwelto na sa mga kasong tax evasion ang mga artistang sina Richard Gomez, Asia’s songbird Regine Velasquez at soap opera princess Judy Ann Santos kung papayag silang bayaran nang buo ang buwis na sinisingil sa kanila ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Ipinaliwanag ng bagong BIR Commissioner na si Jose Mario Bunag na kukumbinsihin niya si bagong Finance Secretary Gary Teves na idaan na lamang sa compromise agreement ang mga kasong tax evasion na kanilang isinampa laban sa iba’t ibang personalidad at kumpanya upang mapataas ang koleksiyon ng buwis ng pamahalaan.

Ang paninindigang ito ni Bunag ay salungat naman sa patakarang isinusulong noon ng mga nagbitiw na sina dating Finance Sec. Cesar Purisima at dating BIR Commissioner Guillermo Parayno na nagsasabing hindi nawawala ang criminal liability ng mga kinasuhan ng tax evasion kahit pa nabayaran ng mga ito ang sinisingil na buwis.

Magugunita na sinampahan ng kaso ng BIR ang mga nasabing artista dahil sa umano’y kulang ang mga ibinabayad na buwis ng mga ito sa pamahalaan.

Matatandaan din na dahil sa paghaharap ng BIR ng naturang kaso ay nagsampa naman ng kontra-demanda si Juday dahil sa nagkamali umano ang mga examiners ng gobyerno sa pagkukuwenta ng kanyang ibinabayad na buwis.

Sa katunayan umano ay sobra pa ng milyong halaga ang kanyang ibinabayad na buwis sa gobyerno.

Samantala, magsisimula na rin ang BIR sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa mga ari-arian ng mga taong isinasangkot sa jueteng operations, kasama na ang pagbusisi sa bahay ni ret. Police Gen. Restituto Mosqueda.

Sinabi ni Bunag na hindi nila palalampasin sa kasong tax evasion ang mga taong nabanggit sa senate inquiry na nagtamasa ng milyun-milyong halaga ng mga ari-arian.

Kasama na umano rito ang mga nabanggit na jueteng lords at jueteng protector sa iba’t ibang lalawigan. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments