14-anyos na estudyante natagpuang patay

Isang 14-anyos na dalagita na matagal nang nawawala ang natagpuan kamakalawa na nakabaon sa pagitan ng dalawang nitso sa sementeryo sa Navotas at pinaniniwalaang biktima ng rape-slay.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Marivic Estodillo, 2nd year high school student at residente ng Block 80, Bagong Silang, Brgy. San Jose ng nasabing bayan.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-5:15 ng hapon nang matagpuan ang biktima na nakabaon sa pagitan ng dalawang nitso sa loob ng Navotas Public Cemetery.

Nauna rito, noon pang nakalipas na Hunyo 16, 2005 nang magpa-blotter ang mga kapamilya ng biktima hinggil sa biglaang pagkawala ng dalagita matapos na magpaalam ito na pupunta sa kanyang kaibigan upang mag-videoke.

Nabatid pa na isang nagngangalang Joel Cortan ang sinasabing sumundo sa biktima at siyang huling nakita na kasama nito bago ito natagpuang bangkay sa nasabing sementeryo.

Ayon pa sa pulisya, isang tawag mula sa tanggapan ng nasabing libingan ang kanilang natanggap hinggil sa pagkatagpo ng isang pares ng tsinelas, isang t-shirt at underwear na nakalagay sa ibabaw ng isa sa mga nitso.

Dito ay kaagad na ipinagbigay-alam ng pulisya sa pamilya Estodillo kung saan nang kanila itong pinuntahan ay positibong kinilala na ito ay pag-aari ng nawawalang biktima.

Nang hukayin ang pinagbaunan sa biktima ay nakita itong walang saplot sa katawan at naaagnas na ang katawan. Pinaghahanap sa kasalukuyan ng Navotas PNP si Joel Cortan. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments