Bading natagpuan patay sa loob ng parlor

Isang umano’y bading ang natagpuang patay at ibinalot sa puting kumot sa loob ng kanyang pag-aaring parlor sa Las Piñas, kahapon ng umaga.

Ang biktima na nakilalang si Kim Andaya, 27, ay nagtamo ng malalalim na sugat sa ulo sanhi ng paulit-ulit na pagpalo dito at sakal na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Samantala, blangko pa rin ang pulisya kung ano ang posibleng motibo sa pagpaslang dito.

Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-8 ng umaga nang matagpuan ang duguang bangkay ng biktima sa loob ng Kim Andaya’s Saloon na nasa panulukan ng Aurora Drive at Everlasting Sts., Naga Road, Vergonville Subdivision, Brgy. Pulang Lupa, Las Piñas City.

May teorya ang pulisya na posibleng kilala ng biktima ang suspect dahil wala namang nakitang "forcible entry" kung saan naka-double lock pa ang pintuan nang pasukin ng mga kaanak at mga pulis ang parlor nito.

May hinalang kumatok ang suspect at pinagbuksan ito ng biktima at maari rin na Miyerkules ng gabi isinagawa ang pagpatay dito.

Patuloy naman ang ginagawang pagsisiyasat sa insidente at inaalam pa kung may nawala sa loob ng parlor ng biktima. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments