Nakilala ang nadakip na si Rodel Alcon, 35, commander ng Southern Tagalog Regional Party Committee (STRPC) ng NPA, may mga alyas na Ka Abraham, Jojo, Ka Rolly, Ka Joey, Ka Isaac at Ka Peter, at residente ng Brgy. Pansol, Lopez, Quezon.
Sa ulat ng NBI-Reaction, Arrest and Interdiction Division (RAID), nakatanggap sila ng impormasyon ukol sa pagkakita kay Alcon sa kabayanan ng Lopez noong nakaraang linggo.
Agad na bumuo ng grupo ang NBI, Philippine Air Force Intelligence Unit at Philippine Army at nagsagawa ng operasyon. Hindi na nakapalag si Alcon nang dakpin siya ng mga awtoridad sa loob ng palengke ng Lopez.
Base sa rekord, kasama sa namuno sa pagsalakay ng may 70 rebelde sa Lopez police station si Alcon noong Setyembre 27, 2002. Nagpanggap na mga ahente ng NBI ang ilang rebelde sanhi upang madali nilang napasok ang istasyon.
Nasawi sa naturang pagsalakay si Lopez police chief, Supt. Cesar Santander at SPO3 Nestor Santiago habang tatlong sibilyan ang malubhang nasugatan.
Tinangay ng mga rebelde ang tatlong M-16 rifle, dalawang shotgun, tatlong kalibre 9mm pistol, isang cellphone at cash.
Nabatid na nahatulan ng habambuhay na pagkakulong si Alcon noong 1997 dahil sa kasong murder ngunit nagawa nitong makatakas sa Valenzuela City jail at sumanib na sa NPA kung saan naging commander pa ito ng rebeldeng grupo.
Kasalukuyang nakadetine si Alcon sa NBI detention cell at nakatakdang ilipat sa National Bilibid Prisons. Nahaharap ito ngayon sa mga kasong rebelyon, robbery with homicide at murder. (Ulat ni Danilo Garcia)