Namatay habang ginagamot sa Tondo General Hospital ang biktimang si Rodolfo Hernandez, 43, ng Panday Pira St., Tondo, Maynila.
Patuloy namang sumasailalim sa imbestigasyon ang mga pulis na sina PO2 Neri Bayani ng WPD-CIDG; PO1 Virgilio Sunga, ng NCRPO, kapatid nitong si PO1 Vicente Sunga ng CPD at pinsang si PO3 Enrico Sunga ng WPD-Traffic Division.
Sa ulat ng WPD-Homicide Section, naganap ang pagbabarilan ng mga pulis dakong alas-5 ng umaga sa may Panday Pira St., Tondo. Batay sa inisyal na imbestigasyon, nag-ugat ang gulo sa pagitan nina PO1 Sunga at PO2 Bayani nang magkasalubong ang mga sasakyan ng mga ito at hindi nagbigayan sa daan.
Nabatid na si PO2 Bayani umano ang unang nagbunot ng kanyang baril matapos na mag-init ang ulo nang makasagutan si PO1 Sunga.
Rumesbak naman si Sunga dala ang matataas na kalibre ng baril kasama na ang pinsan at kapatid nito. Dito nila pinaulanan ng bala ang bahay ni Bayani na gumanti rin ng putok ng baril.
Tinamaan naman ng nagliliparang bala ang biktimang si Hernandez na hindi agad nakalayo sa lugar ng barilan at naipit sa gitna ng palitan ng putok ng magkabilang panig.
Naawat lamang ang mala-Wild, Wild West na barilan nang rumesponde na ang mga miyembro ng WPD-Station 1.
Inihahanda na ang mga kaulang kaso sa apat na nag-ala-Rambong pulis. (Ulat ni Danilo Garcia)