Balik normal status na ang PNP

Ibinaba na ng pamunuan ng PNP National Capital Regional Command sa normal ang alert level nito sa buong Metro Manila makatapos ipairal kamakailan ang full alert status noong kainitan ng mga kilos-protesta ng iba’t ibang grupo laban sa pamahalaan.

Sa isang press conference, sinabi ni NCRPO Chief Director Vidal Querol, ang pagsasailalim sa normal status sa kanilang area of responsibility ay bunsod na rin ng paghupa ng tensiyon ng kaliwa’t kanang rali para pababain sa puwesto si Pangulong Gloria Arroyo.

Hinihikayat din ni Querol ang publiko na mamuhay na rin ang mga ito ng normal at mag-enjoy ngayong weekend tulad ng pamamasyal at panonood ng sine.

Minaliit naman nito ang naganap na rally sa Makati City kamakalawa at sinabing hindi naman ito humakot ng maraming bilang dahil may 3,500 lamang na katao ang dumalo dito.

Binigyang-diin ni Querol na bigo ang mga lider na nagsagawa ng kilos-protesta para pababain sa puwesto si Pangulong Arroyo. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments