Sinimulan ang funeral rites dakong alas-9 ng umaga kung saan ito ay dinaluhan ng 500 arsobispo at obispo sa bansa sa loob ng makasaysayang Manila Cathedral.
Sa labas ng simbahan, hindi naman mahulugang-karayom ang paligid at buong Plaza Roma kung saan ay nagtitipon ang 20,000 mga debotong Katoliko na karamihan ay mga mag-aaral mula sa ibat bang Catholic schools na nagnanais magbigay ng kanilang huling paggalang sa yumaong lider ng simbahan.
Sa talumpati ng huling pamamaalam ni Manila Archbishop Gaudencio Rosales, inilarawan ang Cardinal na nagsilbing mahusay na pastol ng bansang Pilipinas at dakilang taga-sunod ng Diyos.
Bukod kay Archbishop Rosales, nagbigay din ng kanilang huling pagpupugay ang mga matataas na lider ng bansa na pinangungunahan nina Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, dating Pangulong Corazon Aquino, dating Defense Chief Fortunato Abat, Vice-President Noli de Castro, Supreme Court Chief Justice Hilario Davide Jr., Senate President Franklin Drilon, Senators Aquilino Pimentel Jr., Alfredo Lim, businessman Jose Concepcion, Ambassador to the Vatican Leonida Vera, Ambassador Howard Dee, Papal Nuncio Antonio Franco na kumatawan kay Pope Benedict XVI, mga ambassador at pamilya at mga kaanak ng Cardinal.
Nagpalipad din ng mga puting kalapati at puting lobo sa labas ng simbahan.
Inilabas naman ang coffin ni Sin dakong alas-9:10 ng umaga na balot ng bandilang Pilipino at marahang ipinarada sa Plaza Roma upang makita ng mga dumalo.
Binigyan din si Sin ng 21-gun salute bilang state honor ng mga kawani ng Philippine Marines sa harapan ng pintuan ng Cathedral at saka tinanggal ang bandila at muling ipinasok sa simbahan.
Sa buong Misa, binalutan naman ng puting telang may nakaburdang gintong krus ang gitna ng ataul kasunod ng iyakan ng mga kapatid, kaanak at mga nagsidalo.
Nagbigay din ng kani-kanilang mga huling pananalita sina Archbishop Socrates Villegas at iba pa bilang pagpupugay sa namayapang Cardinal.
Alas-11:30 nang matapos ang Misa kasunod ang paghahatid sa ibaba ng Cathedral na katatagpuan ng crypt kung saan ililibing ang labi ni Cardinal Sin.
Tanging ang 3 kapatid lamang ni Sin at mga immediate family ang pinayagang makapasok sa ground na kinalalagyan ng 10 crypt na magsisilbing libingan ng mga arsobispo ng Manila Archdiocese.
Sa harap ng kanyang crypt ay muling binuksan ang ataul ng Cardinal upang sa kahuli-hulihang pagkakataon ay masilip at makausal ng panalangin ang mga nagmamahal sa kanya para sa paglalakbay nito sa walang hanggan. (Ulat nina Gemma dela Cruz/Danilo Garcia/Ellen Fernando)