8-anyos lasog sa trak

Nasawi ang isang batang lalaki matapos itong maatrasan ng Isuzu Elf na naglalaman ng graba at buhangin habang ito ay nagtitinda ng sigarilyo kamakalawa sa Parañaque City.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa San Juan de Dios Hospital ang biktimang si Mark Christian Acer, 8, ng E. Mercado St., Brgy. Baclaran, ng lungsod na ito.

Nadakip naman ang tsuper na si Moel Sososco, 45, ng 142 Lower Special Block 29, Kabisig, Cainta, Rizal.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-5 ng hapon sa panulukan ng Aguarra at Harrison streets, Brgy. Baclaran, Parañaque City.

Nabatid na kasama ang biktima ng kanyang kapatid na nagtitinda ng sigarilyo. Hindi namalayan ng bata na umaatras ang isang Isuzu Elf na may plakang PBR-598, na naglalaman ng graba at buhangin.

Huli na bago nakontrol ng tsuper na si Sososco ang preno ng sasakyang minamaneho dahil naatrasan na nito ang biktima.

Mabilis na isinugod ang bata sa nabanggit na pagamutan ng ilang taong naroroon, ngunit namatay ito habang ginagamot. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments