Frat war: Estudyante, utas

Isang 17-anyos na estudyante ang pinatay sa saksak ng kapwa nito estudyante dahil lamang sa alitan ng kanilang mga fraternity kahapon ng madaling-araw sa Muntinlupa City.

Idineklarang dead on arrival sa Muntinlupa City Medical Center ang biktima na si Rannel Hugo ng Purok 1, Blk. 16, Brgy. Bayanan, Muntinlupa. Nagtamo ito ng malalim na saksak sa katawan.

Kasalukuyang pinaghahanap naman ang suspect na si Bon Ryan Deocareza, 17 ng No. 502 Hershey St. Summitville Homes ng nasabi ding barangay.

Lumilitaw sa imbestigasyon ni PO3 Buenaventura dela Cuesta, Jr. na nangyari ang insidente dakong alas-12:15 ng madaling-araw sa harapan ng paaralan ng biktima at suspect.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa tungkol sa kani-kanilang mga fraternity group hanggang sa magsuntukan.

Subalit dahil na rin umano sa pagkatalo, bumunot ng patalim ang suspect at agad na itinarak sa biktima. (Lordeth Bonilla)

Show comments