Sinuway ng Cardinal ang kagustuhan ng magulang na maging isang negosyante at pumasok sa San Vicente Ferrer Seminary sa Jaro Iloilo City. Naging masalimuot ang pag-aaral niya sa seminaryo dahil sa pagiging masakitin, karaniwan ay inaatake siya ng hika, kayat minsan ay hindi nakakapasok.
Noong Abril 3, 1954 sa edad na 26 kinasihan si Sin bilang ganap na Pari ng Diocese of Capiz.
Hunyo 1957 naging rector ng St. Pius X Seminary sa Roxas City at sa loob lamang ng mahigit isang taon, Marso 18, 1967 naordinahan si Sin bilang Bishop ni Archbishop Antonio Frondosa ng Immaculate Concepcion Cathedral sa Roxas City Capiz.
Marso 19, 1974, ganap na itinalaga si Sin bilang Archbishop of Manila sa Manila Cathedral. Si Pope Paul VI ay itinalaga na siya bilang Cardinal noong May 24, 1976.
Si Sin ang pinakabatang Cardinal ng Simbahang Katoliko ng Sacred College of Cardinals sa edad na 47.
Pito sa mga kapatid ni Cardinal Sin ang nasawi noong ito ay mga sanggol pa. Di naglaon natuklasan na ang gatas ng kanilang ina ay nagtataglay ng elemento ng lason.
Naging makulay din si Sin sa daigdig ng politika matapos na isa ito sa iilang kumokontra kay dating Pangulong Marcos noong ibaba nito ang Martial Law noong 1972.
Isa rin si Sin sa haligi ng People Power na tuluyang nagpabagsak sa rehimeng Marcos na nagluklok kay dating Pangulong Corazon Aquino.
Tinawag din si Sin na "Divine Commander in Chief" ni dating Pangulong Fidel Ramos dahil sa pangunguna sa pagkontra sa katiwalian sa bansa. (Ulat nina Gemma Amargo at Edwin Balasa)