Nasabat ng grupo ni Director Nestorio Gualberto ng Enforcement and Security Services (ESS-BoC) ang may 400 balikbayan boxes na naglalaman ng mga piraso ng baril na M-14 at M-16 rifle na nakasakay sa isang 40-foot container van.
Ayon kay Intelligence and Enforcement Group (IEG) chief at Deputy Commissioner Celso Templo, ito na ang maituturing na pinakamalaking kontrabando ng mga baril na nasabat ng IEG-BoC ngayong taon.
Ayon sa opisyal, mahihirapan silang tukuyin ang mga consigness dahil maraming nakapangalan sa kontrabando, subalit isinasailalim pa rin nila sa beripikasyon ang mga pangalan ng mga ito.
Tumanggi si Templo na banggitin ang mga pangalan ng consignees na nakalagay sa mga kahon.
Nabatid na ilang araw na ang naturang kontrabando sa MICP at nadiskubre lamang nito nang magsagawa ng imbentaryo at pagsusuri ang mga ahente ng BoC kahapon ng umaga.
Ang naturang mga armas ay galing sa San Jose, California at nakatakda sanang dalhin sa mga consigness sa lugar ng Baclaran, Las Piñas City at sa ilang bahagi ng Northern Luzon.
Paniwala naman ni Gualberto na matagal na ang pagpupuslit ng armas sa Aduana at ginagamit ang daungan sa mga kontrabando na isinasama sa mga balikbayan boxes partikular mula sa mainland ng Estados Unidos, Korea at Hong Kong.
Nabatid na tanging ang AFP at PNP lamang ang maaaring umangkat ng matataas na uri ng baril, ayon na rin sa batas.
Inaalam rin ng BoC ang anggulong maaaring gamitin ang naturang armas ng ilang grupo na nagnanais na magsagawa ng destabilisasyon sa pamahalaang Arroyo. (Ulat ni Gemma Amargo-Garcia)