Kinilala ang mga nasawi na sina PO2 Enrique Lazaro, 35, nakatalaga sa District Mobile Police Unit; Pfc. Jesulito Aguilar, 28, ng 11th Infantry Battalion ng Philippine Army; Ivan Malunes, 23, estudyante at Ian Ledesma, 30, security guard.
Ginagamot naman sa Chinese General Hospital si PO2 Dony Francisco habang dinala naman sa Ospital ng Maynila si Jay Aguilar, 26, driver.
Batay sa inisyal report na tinanggap ni Chief Insp. Dominador Arevalo, hepe ng WPD-Homicide Section naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling-araw sa panulukan ng Pres. Quirino Ave. at Roxas Blvd. kung saan nagpapatrolya sina Lazaro at Francisco.
Napansin ng dalawang pulis ang kahina-hinalang Nissan Sentra, may plakang EEG-900. Pinahihinto ng mga ito ang sasakyan subalit pinaharurot pa ito ng driver.
Bunga nito, napilitang habulin ng mga pulis ang Nissan Sentra hanggang sa huminto ito ng mag-red light sa Roxas Blvd.
Hindi pa man nakakalapit ang dalawang pulis nang biglang paputukan ng mga sakay ng kotse si Lazaro na tinamaan ng bala ng baril sa katawan. Dito ay gumanti ng putok si Francisco gamit ang kanyang M-16 rifle nang bigla namang dumating ang isang Toyota Revo na hindi naplakahan at binaril si Francisco na tinamaan sa tiyan.
Lumilitaw na isa sa mga sugatang sakay ng kotse ang bumaba at pinagbabaril ng M-16 rifle ang detachment ng WPD police station 9. Wala namang naiulat na nasugatan sa loob ng police detachment.
Nakuha sa loob ng kotse ang dalawang itim na bonnet, isang M-16 armalite, itim na bag na may lamang beer at ID ng isang Supt. Marcelo Sanchez Bolivar. Iniimbestigahan ng pulisya kung tunay na mga miyembro ng Bonnet Gang ang sakay ng kotse.