Nabatid buhat sa mga sumbong ng mga negosyante na ibat ibang mga pulis na nagpapakilalang buhat sa istasyon, District Police Intelligence Unit (DPIU) at District Intelligence and Investigation Division (DIID) ang nagtutungo sa kanilang mga puwesto dalawang beses sa isang linggo at nanghihingi ng "protection money".
Dumarating umano ang mga pulis na nakasuot-sibilyan sakay ng owner-type jeep at mga motorsiklo.
Bukod sa mga lehitimong mga negosyante, tambak din ang reklamo laban sa mga nagbebenta ng mga pekeng VCD sa Quiapo, Sta. Cruz at Divisoria sa panghihingi sa kanila ng P150 hanggang P200 kada araw para hindi hulihin.
Dahil dito, inatasan ni Atienza si WPD Director Pedro Bulaong na sawatain ang kanyang mga pulis na kanyang irerekomendang isuspinde at ipatapon sa mahihirap na assignment kapag napatunayan sa kanilang mga ilegal na gawain. Hindi umano dapat natutulog si Bulaong sa katiwalian ng kanyang mga tauhan upang hindi pa lalong lumala ang bumababang integridad ng pulisya sa Maynila.
Pinaalalahanan din ni Atienza ang mga tauhan ng WPD na tumigil sa pagsasagawa ng mga operasyon sa labas ng hurisdiksiyon ng Maynila na inirereklamo na puro hulidap lamang. (Ulat ni Danilo Garcia)