5,000 pulis ipakakalat sa pagbubukas ng klase

Mahigit sa 5,000 pulis ang ipakakalat ng Philippine National Police-National Capital Region (PNP-NCR) sa bisinidad ng mga paaralan sa Metro Manila kaugnay ng inaasahang pagdagsa ng mga mag-aaral sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 6.

Ito ang inihayag kahapon ni PNP-NCR Director Chief Supt. Vidal Querol bilang paghahanda sa pasukan upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante.

Ayon kay Querol, bukod sa mga naka-unipormeng mga pulis, magtatalaga rin sila ng mga naka-sibilyang awtoridad sa bisinidad ng mga paaralan.

Tututukan rin ang mga Chinese school na kadalasang paboritong target ng mga sindikato.

Kaugnay nito, nagsagawa ng pag-iinspeksyon si Querol sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila partikular na sa mga istasyon ng Light Rail Transit (LRT) para higit pang maisaayos ang mga kinakailangang ‘security measure’ na ipinatutupad sa nalalapit na pagsisimula ng klase. (Ulat nina Edwin Balasa at Joy Cantos)

Show comments