Arraignment ng 4 suspect sa Ramos slay, pinagpaliban

Ipinagpaliban kahapon ang pagbasa ng kaso laban sa apat na suspect na sangkot sa pagpaslang kay DFA Assistant Secretary Alicia Ramos matapos hilingin ni State Prosecutor Emmanuel Velasco ang ‘deferment’ dahil kasalukuyan pa umanong isinasagawa ang preliminary investigation ng naturang kaso sa Department of Justice (DOJ).

Dahil dito, muling itinakda ni Makati City Regional Trial Court (RTC) Judge Ma. Cristina Cornejo ng Branch 147 ang arraignment ng kaso sa darating na Hunyo 21 ng taong kasalukuyan.

Nabatid na magsasagawa ng ocular inspection sa bahay ni Ramos sa 5552 Boyle St., Brgy. Palanan sa Makati City sa May 31, 2005 upang tiyakin kung tutugma ang mga isinumiteng testimonya ng apat na suspect na sina Roberto "Obet" Lumagui; Joel Ablay; Michael Cenel at Jun Maricar na pinaghahanap pa ng pulisya.

Sinabi ni Velasco na hawak nito ang ilang ebidensiya na makakaapekto sa kaso sakaling iprisinta nito sa hukuman.

Iniutos din ni Judge Cornejo ang pagdating sa takdang oras ng mga suspect sa araw ng kanilang arraignment upang hindi aniya makaabala sa ibang kaso na naka-schedule dinggin sa araw na iyon makaraang ma-delay ang proceedings kahapon ng umaga.

Nairita naman ang mga mediamen partikular ang mga photographers at cameramen matapos na hindi papasukin sa loob ng courtroom para sa kanilang coverage.

Napag-alaman na bukod kasi sa maliit na espasyo ng courtroom ay ayaw din ni Judge Cornejo nang maingay habang naglilitis ng kaso. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments