Ito ang sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) director Reynaldo Wycoco matapos na iprisinta sa media ang dalawang nahuling mga suspects na nakilalang sina Joel Ablay, 25, ng Guadalupe, Makati City at Michael Cenil, 21, ng San Juan, Batangas.
Ayon sa dalawang nadakip, balak lamang umano nila na busalan at igapos ang DFA official pero na-suffocate ito ng balutan ng packing tape sa mukha.
Patuloy pa rin namang pinaghahanap ang dalawa pang kasamahan ng mga ito na nakilalang sina Roberto "Obet" Lumagui at isang alyas Jun Maricar ng Ugong, Pasig.
Sa ulat ni NBI-NCR chief Atty. Edmund Arugay, Mayo 5 nang mabuko ang ginawang krimen ng mga suspects matapos na ibida sa isang inuman sa Rodriguez, Rizal ni Ablay na kasama siya sa nanloob sa bahay ni Ramos noong Abril 24 at pagpatay dito.
Nakarating ang naturang kuwento sa isang asset ng NBI na nag-ulat sa ahensiya. Agad na isinagawa ang dragnet operation laban kay Ablay na natunton sa bulubunduking bahagi ng Wawa, Rodriguez, Rizal.
Sa isinagawang interogasyon, itinuro ni Ablay ang mga kasabwat na sina Jun, Michael at Obet sa naturang krimen. Dito muling nagsagawa ng operasyon ang NBI sa Brgy. Laperal, Guadalupe, Makati City ngunit tanging ang kamera lamang na tinangay ng mga suspect sa bahay ni Ramos ang kanilang narekober.
Samantala, natunton naman ang suspect na si Cenil sa Nasugbu, Batangas, habang nagawa namang makatakas ni Lumagui sa isinagawang operasyon ng NBI sa Pantabangan, Nueva Ecija, gayunman nagpadala na rin ito ng surrender feelers.
Samantala, pormal nang sinampahan ng kasong robbery with homicide ang dalawang suspect at ang dalawa pa nilang hindi naaarestong kasamahan. (Ulat nina Grace dela Cruz at Lordeth Bonilla at Danilo Garcia)