Bading inatado ang lover

Pinagtataga hanggang sa mapatay ng isang bakla ang kanyang lover makaraang tumanggi ang huli na makipag-sex at malaman ng una na may babae ito, kahapon ng madaling-araw sa Makati City.

Nakapiit ngayon sa Makati City Police ang suspect na si Joey Regulacion, 30, isang beautician, ng Pateros St., Brgy. Valenzuela ng nabanggit na lungsod.

Samantala, binawian naman ng buhay habang ginagamot sa Ospital ng Makati ang biktimang si Donnie Pranada, 25, ng nabanggit ding lugar na nagtamo ng maraming taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon sa ulat ni PO2 Jayson David ng Homicide Section ng Makati Police naganap ang insidente dakong alas-4 ng madaling-araw sa bahay ng suspect.

Nabatid na kauuwi lamang ng biktima galing sa pakikipag-date sa girlfriend nito at habang nagpapahinga ay tumabi sa kanya ang suspect na niyaya itong makipag-sex.

Tumanggi ang biktima hanggang sa magkaroon ng pagtatalo. Nalaman din ng suspect na may babae ito kaya wala nang panahon sa kanya.

Mabilis na kumuha ang suspect ng bolo at saka pinagtataga si Pranada habang nakahiga.

Napag-alaman pa na tatlong taon ng nagsasama ang suspect at biktima.

Agad namang nadakip ng mga awtoridad ang suspect na nahaharap sa kasong homicide. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments