Paghihiganti motibo sa pagpaslang kay Dr. Echiverri

Paghihiganti umano ang motibo sa pagpaslang kay Dr. Nicolo Echiverri na tinambangan ng hindi pa nakikilalang mga kalalakihan habang papasok sa kanyang trabaho, kamakalawa ng umaga sa Mandaluyong City.

Ayon kay Supt. Ericson Velasquez, hepe ng Mandaluyong Police, isa sa pinakamalakas na motibo na kanilang sinisilip ay ang pagkakatanggal ng karamihan ng mga caddies sa Wack-wack Golf Club dahil sa drug addiction.

Napag-alaman na si Echiverri ang isa sa mga namunong doktor na nagsagawa ng mandatory drug test sa mga caddies ilang linggo lang ang nakalipas at karamihan sa mga ito ay nakumpirmang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot kaya tinanggal ang mga ito sa trabaho.

Tinitingnan din ng pulisya kung ang death threat na natatanggap ni Echiverri nitong nakalipas na linggo ay may kaugnayan din sa naturang pamamaslang.

Samantala, sinabi ni Velasquez na kasalukuyan pang nasa kustodya ng pulisya ang tricycle driver na si Zenon Eder at pasahero nitong si Lauro Ludo na hinarang ng mga papatakas na suspect at ipinag-utos na ihatid sila sa dulo ng San Rafael St. gamit ang tricycle. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments