Sinabi ni NBI Director Reynaldo Wycoco na nag-ugat ang operasyon matapos na lumapit sa kanila ang opisyales ng distributor ng Louis Vuitton ukol sa pagkalat ng mga peke nilang mga produkto na mas murang ibinebenta.
Sa ulat ng NBI-Intellectual Property Rights Division, nabatid na daan-daang mga karton ng pekeng Louis Vuitton goods tulad ng travelling bag, wallet at mga hand bag ang nasamsam sa mga nakahilerang stall sa Ilaya at Lavezares St. sa kanto ng Muelle del Binondo sa Binondo, Maynila.
Sinalakay din ang ikalawa at ikatlong palapag ng New Divisoria Mall sa San Nicolas St., Divisoria kung saan nasamsam din ang mga pekeng kagamitan. Umaabot sa kabuuang P5 milyong halaga ang nasamsam ng NBI sa naturang operasyon.
Dinakip upang isailalim sa imbestigasyon ang mga tindera na sina Mauro Halog, Noemi Quintos, Mary Chua at Michael Gou. Pawang sinampahan na ang mga nadakip ng paglabag sa RA 8293 o Trademark Infringement Law.
Nauna rito, sinalakay din ng NBI ang ilang mga establisyamento sa Navotas kung saan nakakumpiska ng mga pekeng Lee garments na aabot sa halagang P7 milyon.
Nanawagan naman si Wycoco sa mga distributor at manufacturer ng mga imported na produkto na lumapit sa ahensiya upang labanan ang lumalalang problema sa pamimirata. (Ulat ni Danilo Garcia)