QC gov’t nagbigay ng computer sa city jail

Upang mapadali at maging maayos ang paghahanap ng mga record ng mga preso sa Quezon City Jail, nagbigay ng dalawang computer set si QC Mayor Feliciano Belmonte, Jr. sa mga opisyal ng nasabing piitan.

Tinanggap nina BJMP-NCR Director Chief Supt. Armando Llamasares at QC Jailwarden Supt. Ignacio Panti ang mga computers na magsisilbing ‘notebook’ ng mga preso upang malaman ang kani-kanilang mga records.

Ayon kay Belmonte, sa computerized system na ito madaling malalaman kung anu-ano ang estado ng mga bilanggo at mga kasong nakabinbin laban sa kanila.

Layunin din ni Belmonte na maibsan ang pagsisikip ng kulungan na kadalasang nagiging dahilan ng riot at pagkakasakit ng mga preso.

Nagpahayag naman ng pasasalamat si Panti kay Belmonte sa pagbibigay nito ng prayoridad sa pangangailangan ng city jail.

Nabatid na ang bagong record management program ay sama-samang proyekto ng Supreme Court, BJMP, Humanitarian Legal Assistance Foundation at The Asia Foundation. (Doris Franche)

Show comments