Taong grasa tiklo sa panggagahasa

Isang taong grasa ang inaresto ng mga barangay tanod matapos na maaktuhan itong hinahalay ang isang batang babae sa loob ng isang bakanteng nitso sa Sangandaan Cemetery sa Caloocan City.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-1 kamakalawa ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng Sangandaan Cemetery sa A. Mabini St., Sangandaan kung saan nahuli ang suspect na si Gorgonio Taguiwalo, 33.

Base sa pahayag ng biktimang itinago sa pangalang Julie, 6, kasalukuyan siyang naglalakad sa loob ng sementeryo nang bigla siyang harangin ng suspect na tinatawag nilang taong grasa sa kanilang lugar.

Agad siyang dinala sa isang bakanteng nitso at doon puwersahang hinubaran ng damit kung saan walang nagawa ang biktima dahil na rin sa lakas ng suspect at binantaan pa itong papatayin kung kaya nagawang pagsamantalahan ng huli ang bata.

May nakapagsabi naman sa mga barangay tanod na may narinig silang iyak ng bata sa loob ng isang bakanteng nitso kaya’t agad nila itong pinuntahan.

Agad na rumesponde ang mga tanod at inabutan pa nila ang suspect na nakakubabaw sa bata.

Nabatid pa na ang Sangandaan Cemetery ay kadalasang ginagawang tambayan ng mga rugby boys at ginagamit na parausang lugar ng mga babaeng nagbebenta ng aliw. (Rose Tamayo)

Show comments