Ito ang naging akusasyon ni Dr. Orlando Molina, presidente ng University of Caloocan City at sinabi pa nito na gumagawa lamang ng paraan si Echiverri upang siya ay matanggal dahil na rin sa pagiging malapit nito sa dating mayor ng Caloocan na si Mayor Reynaldo Malonzo.
Aniya, iligal ang gustong gawin ni Echiverri na makuha ang pamamahala bilang pangulo ng UCC dahil legal ang kanyang pagkakaupo bilang presidente noong Mayo 22, 2004 sa pamamagitan ng pagdaan nito sa eleksyon ng Board of Regents kasabay ng paglabas ng City Ordinance 0375 na nagko-convert sa Caloocan City Polytechnic College bilang UCC.
Kinondena naman ng ilang miyembro ng faculty ng UCC ang sinasabing harassment na ginawa ng mga miyembro ng Reform Department of Public Safety and Traffic Management (RDPSTM) matapos na i-padlock ng mga ito ang tanggapan ni Molina sa UCC Main campus na dahil umano sa bomb scare.
Ayon kay Gerry Lumbre, UCC Student Council president, dakong alas-7:30 kamakalawa ng gabi nang umugong ang bomb scare kung saan dalawang kagawad ng Special Weapon and Tactics (SWAT) ang rumesponde at agad silang pinalabas subalit sinamantala naman ito ng mga tauhan ng alkalde upang maikandado ang tanggapan ni Molina at putulin ang lahat ng linya ng telepono at power supply.
Hindi naman nakuha ang panig ni Echiverri dahil wala ito sa kanyang tanggapan habang sinusulat ang balitang ito ngunit ayon sa isang malapit sa alkalde, hindi ito kagustuhan ng mayor dahil ang Sangguniang Panglungsod ang gumawa ng resolusyon upang sibakin si Molina bilang presidente ng UCC. (Ulat ni Rose Tamayo)