Kinilala ang mga naarestong suspect na sina PO2 Lauro Hiyao, SPO2 Rodolfo Molina at PO1 Melvin Claveria na kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon sa Pasig City General Hospital matapos magtamo ng tama ng bala ng baril sa mukha at ibat-ibang bahagi ng katawan. Ang mga nabanggit ay pawang mga aktibong miyembro ng Pasig City police.
Sa ulat ng pulisya naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng umaga nang magpapalit ng P10,000 halaga ng pera ang biktimang si Angelito Reyes, 56, janitor ng Tabesa Money Changer sa United Coconut Planters Bank na nasa kahabaan ng Dr. Sixto Avenue, kanto ng Pilapil St., Brgy. Kapasigan ng nabanggit na lungsod.
Paglabas ni Reyes ng bangko ay bigla na lamang siyang sinalubong ng suntok sa mukha ng suspect na si Claveria na armado ng kalibre .38 baril at kinuha ang perang nakatago sa kanyang beywang.
Mabilis na sumakay si Claveria sa motorsiklo subalit nataranta at bumangga sa jeep ng sumigaw na ang biktima at humingi ng tulong.
Inabandona ng pulis ang motorsiklo at tumakbo papatakas habang nagpapaputok ng baril at nagtungo sa naghihintay na kulay asul na kotseng Mirage na doon nakasakay sina PO2 Hiyao at SPO2 Molina subalit inabutan sila ng rumespondeng kagawad ng pulisya kaya nagkaroon ng pagpapalitan ng putok ng baril.
Hindi naglaon ay sumuko ang tatlong pulis na pawang sugatan. (Ulat ni Edwin Balasa)