Mag-utol na parak sangkot sa pagpaslang sa trader,sumuko

Dalawang bagitong magkapatid na pulis na suspect sa pagpatay sa isang negosyante sa isang parking area sa Commonwealth Avenue sa Quezon City kamakailan ang sumuko na kahapon sa mga awtoridad.

Ang nagsisuko matapos na bigyan ng ultimatum ni Chief Supt. Jesus Verzosa, CALABARZON Regional Director ay ang magkapatid na sina PO1 Georlando Guadania, 44 at PO1 Ariel Guadania, 35.

Ipinag-utos ni Verzosa kay Supt. Jose Garcia na sampahan ng kasong administratibo ang dalawang pulis bukod sa kasong murder at grave misconduct na isinampa sa korte ng Quezon City.

Ayon kay Verzosa, ang dalawang pulis ay sangkot sa pagpaslang sa negosyanteng si Patrick James Guanchinco, 29, branch manager ng Rapid Automotive Services noong nakalipas na Abril 2, sa bisinidad ng 3rd St., Commonwealth, Quezon City.

Nagkaroon umano ng pagtatalo ang biktima at ang magkapatid na parak hinggil sa ginawang pagparada ng biktima sa isang lugar.

Ayon sa mga testigo, hinila umano ng mga suspect palabas ng sasakyan ang biktima at saka pinagbabaril at napatay. (Ulat ni Ed Amoroso)

Show comments