Si Willie na Wilfredo Buendia Revillame sa tunay na buhay ay kinasuhan ni Ma. Salvacion Salve Asis, PM editor at assistant entertainment editor ng pahayagang ito.
Kasama ni Asis ang kanyang abugadong si Atty. Bonifacio Alentajan nang isumite ang kanyang limang pahinang complaint-affidavit sa QC Prosecutors Office kahapon.
Ayon sa pahayag ni Asis naganap ang insidente noong nakalipas na Marso 23, 2002 makaraang imbitahan siya at ang kapwa niya kolumnistang si Ian Fariñas ng Peoples Tonight ng komedyante na mag-dinner.
Nagkita-kita umano sila ni Revillame sa Padis Point sa Mindanao Avenue.
Pagkatapos nilang mag-dinner ay niyaya umano sila ng host sa bago nitong biling bahay sa Capitol Hills Country Club sa Diliman.
Ang sasakyang Ford F-150 pick-up na pag-aari ng komedyante ang kanilang ginamit papunta sa bahay ng TV host. Pinaupo ni Willie ang kanyang kaibigang si Ian sa harapan, habang siya at ang TV host ay sa huli.
Matapos nilang magkuwentuhan sa bahay ni Revillame ay inihatid ng komedyante ang magkaibigan sa Padis Point kung saan iniwan ni Ian na naka-park ang kanyang sasakyan.
Habang umaandar umano ang sasakyan ay sinisimulan na siyang gawan ng kahalayan ni Revillame.
Pinaghahawakan umano nito ang maseselang bahagi ng kanyang katawan at pilit na ipinahawak sa kanya ng komedyante ang ari nito.
Bukod dito, pinaghahalikan pa umano siya ni Revillame. Dinilaan din nito ang kanyang tenga at pisngi. Hindi naman umano nagawang makasigaw ni Asis dahil sa tinakpan ni Revillame ng kamay ang kanyang bibig.
Matapos ang insidente ay nakiusap umano ang komedyante na huwag nang ilathala ang kanyang nagawa alang-alang sa kanyang anak at nagmakaawa kay Asis na magbabago.
Nagawa namang patawarin ni Asis si Revillame at kalimutan na lamang ang kanyang mapait na karanasan sa kamay ng naturang TV host.
Gayunman, napilitang lumutang si Asis para ituloy ang laban kay Revillame makalipas ang tatlong taon dahil sa lalong naging notorious at posibleng marami pa ang maging biktima nito.
Bukod dito, siya pa ang binantaan ng komedyante na sasampahan ng kasong libelo matapos nitong ibulgar ang nangyari. (Ulat nina Doris Franche at Angie dela Cruz)