Kinatigan ni Acting Presiding Judge Oscar Barrientos ng Caloocan City RTC Branch 131 ang TRO na inihain ni Councilor Nora Nubla ng District 1 upang hadlangan ang pag-okupa ng batang Malonzo sa naiwang puwesto ng namayapang si Rosca.
Nakasaad sa dalawang pahinang TRO na binibigyan ng 20-days status quo ang magkabilang kampo habang hindi pa rin makakaupo ang batang Malonzo.
Kaugnay nito, nanawagan naman ang pamilya Rosca kay Pangulong Arroyo na bawiin nito ang naunang desisyon o appointment sa batang Malonzo. Ayon naman sa mga konsehal na kapartido ng matandang Malonzo sa Lakas Christian Muslim Democrat na hindi nila kinikilala ang batang Malonzo bilang kapalit ni Rosca.
Mas kinikilala at inirerekomenda umano ng mga ito si Kristine Joy Rosca na anak ng yumaong konsehal bilang kapalit ng huli kung saan sinabi din nilang hindi dapat maupo bilang konsehal sa District 1 ang batang Malonzo dahil sa District 2 ito bumoto noong nakaraang eleksyon kung saan tumakbo at natalo sa karera ng pagka-Kongresista ang ama nitong si Rey Malonzo. (Ulat ni Rose Tamayo)