Pulis, jailguard patay sa duwelo

Kapwa nasawi ang isang pulis at isang jailguard makaraang magbarilan ang mga ito, samantalang isa pa ang nasugatan nang tamaan ng ligaw na bala habang nag-iinuman ang mga ito, kahapon ng madaling- araw sa loob ng isang videoke bar sa Taguig City.

Parehong hindi na umabot nang buhay makaraang isugod sa South Super Highway Medical Center sina JO1 Alfredo Damugo, 33 at PO2 Achilles Alberto, 34, ng SAF na kapwa nakatalaga sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig. Kapwa nagtamo ang dalawa ng mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ginagamot naman sa Rizal Medical Center ang biktimang si Amante Balino, 30, na tinamaan ng ligaw na bala sa kanang hita.

Sa sketchy report ni SPO4 Dennis Dacanay, ng CID-Taguig City police, naganap ang insidente dakong alas-3:30 ng madaling-araw sa isang videoke bar sa kahabaan ng Gen. Santos Avenue sa Brgy. Lower Bicutan ng nabanggit na lungsod.

Nabatid na nag-iinuman sina JO1 Damugo kasama ang kanyang bayaw na si Balino at PO2 Alberto sa naturang videoke bar.

Nagkaroon umano ng pagtatalo sina Damugo at ang pulis na si Alberto hanggang sa kapwa maglabas ng kanilang mga service firearms at nagbarilan na naging dahilan ng kapwa nila agarang pagkamatay.

Hindi pa rin naman matiyak ng pulisya kung ano ang pinagtalunan ng dalawa na nauwi sa pagbabarilan ng mga ito. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments