Nakilala ang nasawi na si Teodoro Borlongan, ex-president ng Urban Bank na nagbaril sa kaliwang sentido na tumagos sa kanyang kanang sentido gamit ang isang kalibre .45 baril na nakuha sa kanyang kaliwang kamay kasama ang isang suicide note.
Ayon kay Senior Supt. Felipe Rojas Jr., hepe ng Marikina Police na naganap ang insidente dakong alas-12 ng tanghali sa loob ng Loyola Memorial Park na nasa Brgy. Barangka ng lungsod. Nabatid na nagtungo sa naturang sementeryo si Borlongan matapos na mag-alay ng bulaklak sa yumao niyang kamag-anak.
Ilang sandali pa ay narinig ng mga security guard ang isang malakas na putok ng baril at nang kanilang tuntunin ang pinagmulan nito ay doon tumambad sa kanila ang duguang si Borlongan.
Sa kasalukuyan ay iniimbestigahan ng SOCO ng Eastern Police District ang insidente, subalit lumalabas sa kanilang inisyal na imbestigasyon na insidente ito ng suicide.
Napag-alaman din sa mapagkakatiwalaang source na isa si Marikina City Mayor Ma. Lourdes Fernando sa naunang sumugod sa lugar ng insidente dahil sa matalik niyang kaibigan ang nasawi.
Hindi pa batid kung ano ang dahilan ng pagpapakamatay nito dahil sa kasalukuyan ay hawak pa ng SOCO ang suicide note na nakuha dito.
Iniulat na posibleng hindi matanggap ni Borlongan ang pagpapasara sa Urban Bank ilang taon na ang nakakalipas. (Ulat ni Edwin Balasa)