Putok ang ulo dahil sa palo ng batuta ang natamo ni Bro. Benedicto Zaragosa, habang sugatan din sina Fr. Allan Jose Arcebuche, chairperson ng Church Peoples Response at Asst. Priest ng Sta. Ana church: Edgar Edwin, Bro. Jay de Guzman at Bro. Samuel Salazar.
Hawak na ngayon ng WPD matapos na arestuhin sina Fr. Arcebuche at seminaristang si Zaragoza dahil sa pangunguna umano sa panggugulo sa naturang kilos-protesta.
Bukod sa kanila, nasugatan din sa batuhan ang mga cameraman na sina Emil Mercado at Ronald Escaler.
Nabatid na unang nagbuo ng puwersa ang may 500 militante sa tapat ng Malate church dakong alas-11 ng umaga. Tinangkang magmartsa ng mga ito patungo sa PICC upang dito magsagawa ng programa nang harangin sila ng daan-daang anti-riot police.
Dito na nagkaroon ng salpukan sa pagitan ng magkabilang grupo matapos na pangunahan ni Supt. Co Yee Co ng Criminal Investigation and Detection Unit, ang dispersal sa mga raliyista.
Sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Dep. Director General Avelino Razon, na mahigpit lamang nilang ipinatutupad ang pagbibigay ng ibayong seguridad sa venue ng International Parliamentary Union convention bukod pa sa "no permit no rally policy" ng pulisya. Idinagdag din nito na ang mga raliyista ang unang nambato at nanduro sa mga pulis sanhi upang magdesisyon nang i-disperse ang mga ito at arestuhin ang dalawa nilang lider.
Matapos ang insidente, agad namang sumugod ang mga militante sa harap ng Western Police District headquarters upang igiit ang pagpapalaya kay Fr. Arcebuche at Salazar. Naglatag din ang mga ito ng 17 mga itim na kabaong na sumisimbolo umano sa mga kasamahan nilang mga militante na biktima ng pandurukot at pagpatay umano sa mga probinsiya na hiling nilang paaksyunan sa mga delegado ng IPU. (Ulat ni Danilo Garcia)